Make your own free website on Tripod.com

who wants to be a millionaire mother?!

Ina. Nanay. Mommy. Mama. Mamang. Mom.Nanang. iba't-ibang tawag ,iisa ang ibig sabihin.

Alam ko mahirap maging isang ina…di ko pa man nararanasan ay nakita ko naman sa nanay ko kung pano maghirap ang isang ina para sa kanyang (mga) anak. Me iba't-ibang uri ng ina, marami silang uri-- parang damit. Maswerte ka kung ang napunta sayo ay maganda ang pagkagawa. Tama ang kulay, tama ang sukat at masinop ang pagkakalilip. Mayron naman kasing maganda ang istilo, tama ang kulay-- ngunit pag sinuri mong mabuti ay burara ang pag kakagawa. Nguni't di tulad ng damit-- di ka makakapili ng ina… di mo pedeng isoli kung mali ang sukat o kung bigla magbago ang iyong isip. Di mo rin pwedeng ipamigay kung paglumaan mo na o kalakihan.

Kahapon lang… nagmamarakulyo na naman ang aking nanay. Puro na lang raw hirap ang nadanasan nya. Buong akala nya raw.. paglaki ng kanyang mga anak e tapos na ang lahat ng kanyang obligasyon. Saan nga ba humihinto ang pagiging ina?

Ang pagiging ina ang pinakamahirap na trabaho sa buong mundo. Dahil sa kanya nakasalalay ang bukas ng kanyang anak. 24/7 ang duty nya. 365 days a year. Walang SSS, walang bonus,.walang Vacation Leave at Sick leave. Para sa napakahirap na trabaho- Kokonti ang benepisyo. Trabaho ng ina ang gabayan ang anak sa tamang landas . GABAYAN, di GULPIHIN. Naalala ko tuloy, nung bata pa ako-- grade 4..ayaw kong pumasok sa iskwelahan, kaya ang ginawa ko nagdabog ako ng nagdabog. Sinaway ako ni nanay. Di ko sya pinansin--tuloy pa rin ako sa pagdabog.. inulit ang pagsaway..dalawa, tatlong beses. Di pa rin ako tumigil…nagulat na lang ako ng me sinturong bumalot sa leeg ko. Papatayin ako ng nanay ko!! Papatayin ako dahil ayaw kong pumasok sa iskwelahan! Mabuti na lang naawat ng kuya ko ang nanay ko!! Di sya nagtagumpay dahil.. ito ako ngayon, sumusulat. Bilib ako sa nanay ko, marami syang alam na paraan sa disiplina..pag lumaki ang mata nya--dapat itigil mo na ang maling gawain mo..kungdi makakatikim ka. Madalas syang magmura ng P@!#g I%a mo!! Pero ni isa sa aming magkakapatid e walang nagmumura nyan hanggang ngayon. Pero ngayong matatanda na kami pede ang PI.(pi-ay)

Mahirap ang walang nanay. Sabi nila, mabuti pang walang tatay..wag lang walang nanay. Dahil totoo naman. Iba ang pagaasikaso ng ina. Iba ang nanay.

Alam kong parang tanga ang susunod na bahagi pero pakielam ko? Basta nanay ko ang pinaka da best sa lahat! Madalas man syang magmura..madaldal man sya, makulit man sya….lagi man nya akong pinipilit na maghanap ng trabaho.. alam ko tama ang pagpapalaki sa aming magkakapatid ng nanay ko. Kung me mali o kulang man sa amin o sa akin-- ako na ang me sariling gawa nun. Groovy ang nanay ko, sumasayaw..kumakanta..masarap kakwentuhan-- madali makahanap ng kausap. Kung magiging nanay ako, alam ko --di ako magiging kasing galing ng nanay ko. Iba talaga sya.

Ang pagiging ina ay walang katapusan. Dala mo ang obligasyon na ito hanggang ang anak mo ay lumaki, makapagtapos ng pag-aaral,magsipag-asawa…hanggang magka-apo ka. Ang mga leksyon na naituro ng isang ina ay dala-dala ng anak hanggang pagtanda, lagpas pa ng kamatayan.

copyrighted © ^koni 2001 05-14